Sa pagsilip pa lamang ng araw sa hardin ng ating pagmamahalan, ang katawan kong puno ng pag-ibig na binuo at hinulma ng bawat ligaya’t pagpapagal, ay walang alinlangan nang bumangon upang ihain sa iyong harapan ang kapeng inaasam-asam na akin namang sinukat at tinimpla ng buong pagmamahal.

Pinakulua’t pinainit ko ng mabuti ang tubig ng iyong kape, simbolo ng init na binibigay ng bawat sulyap mo, ng bawat titig mo, ng bawat haplos mo at ng bawat yakap mo na siya namang sobrang nagpapapula ng aking pisngi. Nakangiti mong tinanggap nang ialay ko ito sayo, ang mga ngiti sa iyong labi ay mistulang nagpapahiwatig na ang ating pag-ibig ay hindi palulupig at ang bawat pagpintig ng puso at pagtitig natin sa mata ng isa’t-isa ay patuloy na magdadala ng kuryente sa lahat ng parte ng ating katawan at gigising sa bawat nating kalamnan, ipaaalala ang bawat gunita na hindi ikaw at ako kundi tayo, magkakapit ang mga kamay, ang siyang sabay na susuong sa lahat ng hagupit, sa lahat ng pait, at sa lahat ng sakit na dinudulot at idudulot ng pagmamahalang ating ipinaglalaban.

Ngunit sa aking pag-upo sa iyong tabi ay bumalik ang diwa ko sa katotohanan. Bumangon ako sa pag-aakalang kasama kita dito sa aking tahanan, na kasama kita dito sa aking tabi, na sukdulan ang iyong kagustuhang makapag-unan sa aking tiyan at mayakap ako buong gabi. At sa pagbalik sa mapait na realidad kasabay ng pagyuko ng aking ulo, pagkuyom ng mga palad at paglantad ng awa sa sarili ay nasambit ng mga labi, ng may halong pait sa tinig na sinabayan ng mga masaganang luha na isa-isang kumakaripas palabas ng aking mga mata, “Wala ka nga pala sa king tabi.

Araw-araw kong pinaaasa at pinaaalala’t pinangangatal at sinasakal ang aking sarili sa mga alaala nating dal’wa na ang isip ko lamang ang may akda, ang isip ko lamang ang lumilikha, ang isip ko lamang ang nakakikita, na ni minsan ay di naganap, na pilit lang akong nagpapanggap, na patuloy ka lang pinapangarap, na hirap kitang inaapuhap sa madilim nating nakaraan, ngayon at bukas.

Sa muli kong pag-angat ng ulo ay di kita nasilayan, di kita napagmasdan, di mo ko sinamahan at tunay ngang walang pagmamahalan. Ngunit sa kabila ng katotohanan na animo’y punyal na bawat sandali ay sumasaksak, bumibiyak at nagpipira-piraso sa bawat milyong piraso sa gula-gulanit at gutay-gutay ko nang puso, ay isang mapag-anyayang ngiti ang gumuhit sa aking mukha, na mistulang hinihikayat ang bawat maling ala-ala, bawat minutong katabi ka ngunit wala naman talaga, at bawat kathang-isip na dinadala ako sa hardin ng namumukadkad na mga rosas kung saan ipagpipitas kita. Mga ala-alang muling didikdik sa pagod ko nang puso, mga sandaling sa isip ko’y yakap kita at tinik sa mga rosas na sa akin ay susugat dahil nalimot kong meron nga pala.

Ang mga akda ng aking isipan na sinusulat ko sa aking katawan gamit ang kutsilyo ng pasakit at kamalian, ang patuloy na magdadala ng mga sugat ko palapit sa iyo at magdadala ng puso mo palayo sa akin. Ang puso mong ni minsan ay di sumubok sumabay sa pagtibok ng akin. Ang mga mata mong ni minsan ay di man lang ako nahagip ng tingin. Ang mga ngiti mong ni minsan ay di naging sa akin.

Ngayon ay di ka na parte ng aking pangarap, dahil sa aking hinagap at sa bawat paglipad ko sa alapaap ay naging parte ka na ng aking buhay, buhay na sakin ay paulit-ulit na pumapatay at muli’t muli ring bumubuhay, dahil ikaw ang bawat kong hininga, ang rason ng bawat kong paghinga at ang dahilan ng bawat paglaho ng aking hininga.

Kasabay ng biglaang paglamig ng panahon, ng paglamig ng bawat mga gabi, ng biglaang panlalamig mo sa akin at ng pagsulat ko ng piyesang di mabigkas ng mga labi, ay ang di namalayang tuluyang paglamig ng napabayaang kape.

Kyuchi, Lumamig Na Ang Kape

Inspired by Mga Basang Unan
Juan Miguel Severo

12.12.2015

___