Nakita ko sa iyo ang liwanag at ang linaw ng bukas.

 

Klaro kong naipinta sa aking alaala ang mga pangarap nating dalawa.

Nangakong magkasabay lalanguyin ang lalim ng dagat

at magkasamang aabutin ang mga tala.

 

Sa tagal ng ating pagsasama

lahat ng pagsubok ay ating nalampasan

ng magkakapit, magkayakap at magkasangga.

 

Dalawa tayong lumaban.

 

Pinagtibay mo ang aking puso

pinagyabong mo ang ating pag-ibig.

Ikaw ang pinakamagandang bulaklak sa itinayo nating hardin.

 

Ngunit bakit ang tubig kong inaalay pandilig

Nagsimula nang maging salat, nagsimulang manakit.

Hindi na magawang ibalik ang luntian mong rikit.

 

Hindi ko na madama ang init ng iyong mga yakap.

Kapag kasama ka ay nalulula sa alapaap.

Lumilipad na ang isip, hindi ka na maapuhap.

 

Sampong taon kitang inibig

mapanatili lamang ang iyong kagandahan.

Ngunit bakit nang minsang kitang ipag-igib, luha ko na ang gamit kong pandilig.

 

Nangako tayong malalampasan ano mang unos ang dumating

Nagawa nga nating languyin kahit gaano kalalim

Naabot ang mga pangarap, nasungkit ang mga bituin.

 

Sa kabila ng mga bagyo, nanatili tayong nakatayo.

Napaghandaan ang lahat ng pwedeng sumira sa ating relasyon

Hindi man lang natin namalayang ang bagyong sumira sa atin, ay tayo mismo.

 

Tayo pala ang unos, tayo rin pala ang bagyo.

Nalunod ako sa lalim ng pag-ibig na ating binuo.

Natuyot ang iyong mga talulot, ang ipinintang bukas bigla na lang nanlabo.

 

Hindi ko na makita ang liwanag at ang linaw ng bukas.

Tumigil na pala tayong lumaban.

Matagal na.

 

Sa huling pagkakataon ay nakita kitang luhaan.

Parehong naghanda ng salita at pagpapaliwanag,

Kung bakit pagtapak natin sa gitna, dulo na pala ng paglalayag.

 

Ang sabi mo’y sinubukan mong isalba ang ating relasyon

Ngunit sa proseso ay hindi mo kinaya ang alon.

Mali ba akong ikaw ang pinili kong iligtas mula sa pagkalunod?

 

Nawala na lang ako bigla sa mga pangarap mo

Hindi na rin ikaw ang liwanag sa bukas ko.

Tulad sa umpisa parehas tayong nahulog ngunit ngayon, nahulog palayo.

 

Hindi na ako ang lalaking sa altar sayo ay maghihintay

Hindi pala ikaw ang itinakdang mamahalin ko ng panghabangbuhay

Dahil nandito na tayo sa dulo at alaala mo na lamang ang baon sa paglakbay.

 

Nasaktan ka nang sariwain mo ang ating mga alaala.

Mas nasaktan ako nang matantong sa bukas hindi na ikaw ang kasama.

Ngunit nandito na tayo sa wakas, isinuko na tayo ng tadhana.

 

Kahangalan na lamang ang ikulong pa natin ang ating mga sarili sa rehas ng pagmamahal.

Dahil wala na ang pag-asa, wala na ang pagmamahal.

 

© kyuchi, 08.2018

Special thanks to Danica Faustino.

 

___

Photo provided by pexels.

any comments, suggestions, corrections, issues, or concerns. please send a message.