Ihanda mo na ang kama. Gusto kong magpahinga–sa lungkot, sa ligaya.

Paano bang magpahinga?

Sinubukan kong umakyat ng bundok. Isang maka-kalikasang uri ng pahinga. Isang paghinga mula sa ingay ng Maynila, pag-langhap ng hanging malinis, pagkabusog ng mga mata sa ganda ng tanawin at paglapit ng sarili sa luntiang paligid.

Masagana. Mapayapa. Pero hindi pala gano’n kasaya.

Bakit ba? Ano bang problema?

Umakyat akong buo. Bakit bumaba akong ubos?

Kaya nang sumunod na linggo pinili kong manatili sa bahay. Mahiga buong araw. Manood ng mga serye at ng anime. Matulog. Pinili kong matulog.

Ngunit sa aking paggising, gumising akong pagod.

Sige. Ngayon naman ay susubukan kong mag basa. Isang nobela. Maganda. Siksik ang kwento at madamdamin ang bawat eksena. Sobra akong nadala sa pangyayari hanggang ang paligid ay magsimulang bumigat. Mga luha ay nag unahang pumatak. Ramdam ang bawat emosyong binibigay ng aklat.

Doon ako namulat.

Pag-iyak ang pinakamabisa kong pahinga.

Luha lang pala ang papawi sa pagod na dala.

© kyuchi, 2018

___