Bakit ganun na lang kadali sayong bitawan ako? Ganun na lang ba kadulas yung mga kamay ko o masyado nang maluwang yung pagkakahawak ko sayo? Ganun na ba ako kapasmado?

Oo na ako na yung may pagkukulang, ako na yung sumusobra, sa akin na lahat ng sisi tutal akin lang naman lahat ng mga mali kasi ako yung nagpupumilit na mahalin ka, ako yung nagsusumiksik at humihingi ng oras mula sayo, ako yung pilit na lumalaban kahit alam kong wala na. Ginusto ko nang sumuko isang araw nang mag-usap tayo, pero base sa mga salitang binitiwan mo, may pag-asa pa. Nakakita ako ng pag-asa kasi pinakita mo. Hindi ako naghanap, binigyan mo ako at kahit alam kong naghihingalo na yung pagmamahal na binibigay mo tinanggap ko, kasi ikaw yan eh, mahal kita eh.

Pero ngayon ano? Ako naman ngayon yung naghihingalo, puso ko naman yung naghihingalo. Nangako ka eh, nangako ka na di ka na ulit bibitaw, na di ka na ulit iiwas, na di ka na ulit lalayo, pero bakit opsyon pa rin sayo ang bitawan ako? Ganun na ba kadaling magsantabi ng pangako? Ganun na ba kadaling mang-iwan ng tao? Tinatanong kita, bakit ang dali-dali para sayo samantalang sa akin hirap na hirap ako?

Pasmado. Oo pasmado ako. Hindi lang yung kamay ko, hindi lang yung katawan ko, kundi pati yung buong pagkatao ko. Napasma ako sa mga panandaliang init na binibigay mo kasunod ng biglaang panlalamig mo. Ang buti mo naman palang tao na kay dali mong nagagawang bigyang wakas yung mga bagay na pinaghirapan kong binuo. Ang kamay ko na dati ay takot na humawak ng kamay ng iba dahil mas kinatatakot nila na sa huli ay bibitawan din sila. Ang mga paa ko, na dati ay takot na humakbang palapit sa kinatatayuan ng iba dahil mas kinatatakot nila na sa huli ay hahakbang ang mga ito palayo at iiwan din sila. Ang katawan ko, na dati ay takot na yumakap sa iba dahil mas kinatatakot nito na di nila makayanan yung init na binibigay niya at sa huli ay kumalas din sila. Ang pagkatao ko, na takot makipag-isa, dahil baka pagdating ng araw yung presensya ko nakakasakal na at maging dahilan para kumalas na lang bigla.

Binuo ko yung pagkatao ko, pinagtibay ko, pinuno ko ng pag-asa, ng tiwala, ng pag-unawa, ng pagmamahal, ng lugar para sa kamalian, ng lakas upang patuloy na kumapit sa laban, upang patuloy na maigawad ang bawat mabibigat na paghakbang, upang maibigay ang sapat na init na di magpapalayo sa sinuman, at upang mailay ko ang sarili ko ng walang takot, ng walang pangamba at yung kung ano yung pinagtibay na ako ay magiging sapat na. Yung mga nagmamatigas na parte ng katawan ko natututunan kong palambutin, yung mga nagsusumikip na parte ng puso ko nagawa kong paluwangin at yung dating malungkuting ako nagawa kong pasayahin.

Pero hindi yun sa loob ng isang araw lamang kundi araw-araw. Hindi yun kasing bilis lang ng pagwasak mo, hindi kasing paspas ng pagsuko mo, hindi kasing dalas ng panlalamig mo, hindi kasing tulin ng biglaang pag-alis mo. Kasing bagal iyon ng pagmamabagal mo.

Pero sige, aakuin ko yung pagkakamali. Na dapat una palang di na kita pinapasok sa palasyong binuo ko. Naisip ko kasi nun, ikaw na lang yung bulaklak na kulang sa malawak na hardin ko, hindi ko inakalang ikaw lang pala ang sisira nito. Pero pasensiya ka na ha kasi hinayaan lang kita. Humihingi ako ng tawad dahil ako mismo ang nagbigay sayo ng bala sa baril na hawak mo at tinututok mo ngayon sa ulo ko. Pasensiya ka na ha? Dahil ako mismo ang nagdala satin sa gilid ng bangin kung saan nahulog ako.

Kung di lang ako pasmado, sana…sana nahawakan mo ako ng mahigpit sa pagkahulog ko, sana hindi ganun kadaling nadulas ang mga kamay ko sa pagkakahawak mo, kung di lang sana ako napasma nang dahil sayo, baka naisama kita, baka naidamay kita sa mga sakit at pighati ko.

Sana hindi lang ako yung lumuluha, sana hindi ko inaako ang lahat. Sana hindi ganito kabigat. Baka sakaling maayos pa ang lahat.

©kyuchi, 2015

 

___